Humarap na sa media ang isa sa pulis na pinangalanan at idinadawit sa kaso ng pagdukot at pagpaslang kay Jee Ick Joo.
Ayon kay PO2 Christopher Baldovino, mali ang lumalabas sa mga balita na sya ang nagbalot ng tape sa mukha ni Jee dahil hindi aniya sya kasama nang dukutin at patayin ito.
Ang tanging partisipasyon lamang aniya nya ay doon sa operasyon noong Oct.4 kung saan mayroon silang huhulihing Koreano sa bisa nang warrant of arrest na hawak ni Sta. Isabel.
Subalit wala aniya sa bahay at wala ang sasakyan ng kanilang target kaya umalis aniya sila matapos na makatanggap ng tawag si Sta. Isabel at nagtungo sila kung nasaan ang target.
Inakala nya aniyang legitimate ang operation dahil may kasama silang apat na tauhan ng NBI kung saan ang isa ay nakilala lamang nya sa alyas “Gerry”.
Dito nya rin narinig kay Sta. Isabel ang pagtatanong nito sa kausap sa telepono kung na flat na ang gulong ng target nilang biktima.
Si alyas Gerry ang sinasabing nasa likod ni Sta. Isabel sa pagwi-withdraw ng pera sa Greenhills mula sa atm card ni Jee.
Pahayag pa ni Baldovino, kinilabutan sya nang pumutok ang balita ng pagdukot at pagpaslang kay Jee noong Nobyembre at nagulat syang ito rin ang isinurveillance nila nang madamay na ang kanyang pangalan sa isyu.
(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)
Tags: itinangging kasama sa pagkidnap at pagpatay kay Korean Businessman Jee Ick Joo, PO2 Baldovino