Aminado ang pamunuan ng Philippine National Railways na may pagkukulang sila sa nangyaring insidente sa isa sa kanilang tren nitong weekend.
Tungkol ito sa video na kuha noong Linggo ng gabi, kung saan makikita na pasara na sana ang pinto ng tren ngunit pinigilan ito ng isang lalaking pasahero habang umaandar.
Ang tren na sinakyan ng lalaki ay isang Electric Multiple Unit o EMU type na donasyon mula sa Japan. Mabilis itong nabubuksan dahil isa itong fire safety feature ng bagon para madaling makalabas ang mga pasahero sakaling magkaroon ng emergency sa tren.
Ayon sa PNR, ipinagtataka rin nila kung bakit walang ni isang train personnel ang nagreport kaagad sa insidente at sa social media na lamang nila ito nakita.
Kaya naman nagsasagawa na umano sila ng imbestigasyon kung sino ang may kapabayaan sa insidente.
Ipinahahanap na rin nila ang lalaking nasa video para sa imbestigasyon. Plano nilang i-ban na rin sa pagsakay sa kanilang mga tren ang lalaki. Nagpaalala rin ang PNR sa mga pasahero sa maaaring mangyari kapag lumabag sa safety regulation sa loob ng tren.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )