METRO MANILA – Pormal nang inilunsad ngayong araw (Nov. 11) ng Philippine National Railways (PNR) ang kanilang makabagong Artificial Intelligence Surveillance System at Command Center, bilang bahagi ng kanilang programang pagpapaunlad ng kakayahan gamit ang mga makabagong teknolohiya.
Gagamitin ang ‘state-of-the-art’ na teknolohiyang ito upang ma-detect ang mga pasaherong posibleng may sakit sa pamamagitan ng pagbasa ng temperatura gamit ang Thermographic Fever Screening camera, upang maiwasan ang pagkalat ng Covid-19. Bukod dito, may kakayahan din itong malaman kung ang isang tao ay hindi nagsusuot ng facemask at faceshield, at kung ang mga pasahero ay hindi sumusunod sa ‘social distancing’.
Dagdag pa sa kakayahan ng sistemang ito ay ang ‘contact tracing capability’ na kayang matunton ang kinaroroonan ng isang indibidwal sa loob ng pasilidad, at malaman din ang mga lugar na pinuntahan ng isang posibleng may sakit.
Ito ay dahil may ‘appearance search technology’ ang sistemang ito, na kayang kilalanin ang isang taong nakita ng mga nakakalat na CCTV camera.
Hindi rin problema kung magkakaroon man ng power interruption, dahil nakakabit din ang sistemang ito sa mga ‘power back-up systems’, upang tuloy-tuloy pa rin ang operasyon sa pag-monitor ng mga pasahero.
(Raymund David | La Verdad Correspondent)