Dalawampung taon nang itinigil ang freight service ng Philippine National Railways o PNR
Dahil sa problema sa basura kaya natigil ang pagde-deliver ng mga kargamento ng PNR freight service.
Planong muling bubuhayin ang freight service bilang dagdag na serbisyo at pagkakakitahan ng PNR.
Ngunit kailangan munang i-ayos ng PNR ang mahigit dalawang kilometrong riles mula Manila International Container Terminal hanggang Tutuban.
Gagastos ng mahigit isang daang milyong piso ang PNR para sa rehabilitasyon ng mga riles na matagal na hindi nagamit kasama na ang gastos sa relokasyon ng mga nakaharang na informal settler at establisyemento.
Nakatakdang magpirmahan ng usage agreement ang MRAIL at PNR upang buhayin ang freight service.
Ang MRAIL ang tatayong operator upang mag deliver ng mga kargamento mula Tutuban hanggang Cabuyao Laguna.
Mas mura ang magiging singil sa freight service kumpara sa trucking, mas mabilis ang delivery at iwas pa sa matinding traffic.
Nakikita din ito na makatutulong upang mabawasan ang matinding traffic sa EDSA dahil kayang magsakay ng freight service ng tatlumpung container katumbas ng tatlumpung truck.
Mababawasan rin ang port congestion dahil isasakay na sa tren ang mga kargamento at hindi na sa mga naglalakihang truck.
Ayon sa PNR, mababawi rin nito ang malaking halagang nalulugi bunsod ng dalawampung taong walang fare hike at umaasa lamang sa sabsidiya ng pamahalaan.
Dapat ay nasa 28 pesos na ang pamasahe sa PNR subalit hanggang ngayon ay 12 pesos lamang ang kanilang sinisingil sa mga pasahero.
Inaasahang mag o-operate ang freight service sa unang bahagi ng taong 2017.
(Mon Jocson/UNTV News)
Tags: freight service, PNR