Magpapakalat ng mga tauhan ang Philippine National Police sa mga vital installations sa bansa, lalo na sa tindahan ng mga paputok sa Bulacan.
Ito’y upang masigurong hindi makakapagtinda ang mga ito hangga’t walang pahintulot ang Department of Labor and Employment.
Ayon kay Bulacan Provincial Director PSSUPT. Romeo Caramat, nais lamang nilang masiguro na hindi na mauulit ang nangyaring pagsabog sa mga pagawaan ng paputok sa Bocaue at Santa Maria Bulacan na ikinamatay ng limang indibidwal at ikinasugat ng 26 na iba pa.
Kaugnay nito inilabas na ng pnp ang listahan ng mga ligtas at papayagan lamang na itindang paputok tulad nang baby rocket, bawang, el diablo, judas belt, paper caps, pulling of strings, sky rocket (kwitis), small triangulo at iba pang kauri ng paputok na ito pagdating sa explosives content.
Sa mga pyrotechnic devices naman ang mga pinapayagan lamang ay ang butterfly, fountain, jumbo regular, luces, roman candle, mabuhay, sparklers, trompillo, whistle devices, at iba pang mga pailaw.
Kailangan aniyang nasa 0.2 grams o hindi hihigit sa 1/3 teaspoon ang explosive content ng mga ito at ano mang lalagpas dito ay bawal na.
Bawal din ang mga oversized na paputok gaya ng super lolo, giant whistlebomb at goodbye philippines.
Ang mitsa ay hindi dapat mabilis masunog o bababa sa 3 segundo o hihigit sa 6 na segundo.
Kailangan ding kumpleto ang mga ito sa mga requirements na hinihingi ng DOLE tulad nang certifications mula sa PNP-FEO at BFP at mandatory seminar sa lahat ng empleyado mula sa pinakamababa hanggang sa may-ari.
Hanggat hindi ito natutupad hindi ay maaaaring magbukas o makapagbenta ng paputok ang mga tindahan.
(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)
Tags: habang papalapit ang holiday season, mga iligal na nagtitinda ng paputok, PNP