PNP walang natatanggap na banta sa seguridad ng SONA ni Pangulong Duterte

by Erika Endraca | July 19, 2021 (Monday) | 17452

METRO MANILA – Target ng PNP ang zero casualties at zero incidents sa State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Rodrigo Duterte sa July 26.

Ayon kay PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar, itataas nya sa full alert ang NCRPO para sa huling SONA ng Pangulo.

“Tiwala ako sa kakayahan ni QCPD Director PBGen. Tony Yarra at NCRPO Director PMGen. Vic Danao Jr., sa pagsasagawa ng paghahanda at kinakailangan adjustments upang hindi mabigyan ng pagkakataon ang mga taong nagpa plano ng pananabotahe at kaguluhan sa araw ng SONA” ani PNP Chief, Pgen. Guillermo Eleazar.

Nanawagan din si Eleazar sa mga militante na gawin na lamang virtual ang kanilang aktibidad dahil sa banta ng COVID 19 delta variant.

“Naging tahimik at maayos ang mga nakalipas na sona ng pangulo, ito ang magsisilbing template ng inyong kapulisan kabilang ang maayos na pakikipag usap sa lahat ng mga grupo “ ani PNP Chief, PGen. Guillermo Eleazar.

Matatandaang, nakapagtala ng zero incident at zero casualties ang sona ng Pangulo noong 2016 at 2017 kung saan sya ang Task Group Quezon commander.

Sinimulan din ni Eleazar ang pakikipagpulong sa mga militant leaders.

Noong SONA 2018 at 2019 siya naman ang NCRPO director at hepe ng security task force SONA.

At noong 2020, si Gen. Eleazar naman ang commander ng Joint Task Force Corona Virus shield.

(Lea YLagan | UNTV News)

Tags: ,