PNP, walang namo-monitor na seryosong banta sa seguridad kaugnay ng isasagawang kilos-protesta sa Oktubre 17

by Radyo La Verdad | October 2, 2018 (Tuesday) | 4496

Walang nakikitang seryosong banta sa seguridad ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng isasagawang kilos-protesta ng mga militanteng grupo sa ika-17 ng Oktubre.

Ayon kay PNP Chief PDG Oscar Albayalde, taliwas ito sa sinasabing Red October plot na ibinunyag ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Pero hindi nila ipinagwawalang-bahala ang impormasyong nakukuha ng AFP at ng Pangulo hinggil sa “Red October plot” at pinaghahandaan nila ito.

Pinayuhan din ni Gen. Albayalde ang publiko lalo na ang mga factory worker na madalas mahikayat na sumama sa kilos-protesta ng mga militante na huwag nang sumali sa mga isasagawang rally ng naturang mga grupo.

Nauna nang sinabi ni AFP Deputy Chief of Staff for Operations BGen. Antonio Parlade na batay sa nakuha nilang detalye kaugnay ng Red October plot, magsasagawa ng serye ng kilos-protesta ang makakaliwang grupo sa pangunguna ng CPP-NPA sa pagitan ng ika-11 hanggang ika-17 ng Oktubre.

Kung hindi sila magtatagumpay sa pagpapatalsik sa Pangulo, susundan ito ng “November Lakbay Lumad Europe” at sa Disyembre, kaalinsabay ng 50th anniversary ng Communist Party.

 

 

Tags: , ,