PNP, tututok sa pagpapalakas ng kampanya laban sa Cybercrime ngayong 2024

by Radyo La Verdad | January 5, 2024 (Friday) | 600

METRO MANILA – Plano ng pambansang pulisya na paigtingin pa ang kanilang anti-cyber crime campaign ngayong taon.

Batay sa utos ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Benjamin Acorda Jr. Sa lahat ng Police Regional Office (PRO) sa buong bansa, palalakasin ng organisasyon ang kanilang kampanya para mapigilan ang pamamayagpag ng mga cyber criminal sa bansa.

Ayon kay Gen. Acorda, bagamat lumakas na ang kakayahan ng PNP Anti-Cybercrime Group dahil sa puspusang pagsasanay at makabagong kagamitan ay marami pa rin ang kailangang gawin.

Batay sa datos ng PNP, umabot sa 16,000 cyber crime cases ang kanilang inimbestigahan sa unang walong buwan ng 2023.

Sa naturang bilang, 19 dito ang naisilbing search warrants at nasuring computer data.

Nasa 214 naman na arrest warrants at umabot sa 140 ang mga ikinasang entrapment operations.Habang 24 naman ang patuloy na iniimbestigahan.

Umabot sa 397 ang naarestong indibidwal at mahigit sa 4,000 biktima ang nasagip kaugnay sa human trafficking.