PNP, tiwala sa hawak na ebidensyang magpapatunay na sangkot sa illegal drugs sina Kian at ang ama’t tiyuhin nito

by Radyo La Verdad | August 21, 2017 (Monday) | 2529

Tiwala ang Philippine National Police na malakas ang mga hawak na ebidensya upang patunayan na sangkot sa iligal na droga ang nasawing menor de edad na si Kian Delos Santos gayundin ama at tiyuhin nito, batay sa inteligence report ng PNP. Nagdedeliver umano ito ng shabu araw-araw.

Ayon kay National Capital Region Police Office Chief PDirOscar Albayalde kumpyansa rin ang PNP na matibay ang kanilang mga hawak na ebidensya upang patunayan na sangkot sa iligal na droga si Kian at ang ama’t tiyuhin nito.

Ayon sa PNP, nang isagawa ang oplan galugad hindi nila alam na menor de edad si Kian. Batay sa spot report ng Caloocan City Police Station, nakipagpalitan ng putok sa mga pulis si kian noong gabing isinagawa ang oplan galugad kung kayat napatay ito. Nakakabahala rin anila na mga menor de edad na ang ginagamit ng mga drug pusher ngayon. 

Samantala, ikinalungkot naman ng PNP na napupulitika na rin umano ang pagkamatay ni Kian. Sa kabila ng mga ebidensya na hawak ng PNP, sinabi ng pambasang pulisya na hindi makatwiran na patayin ang isang tao, kung kaya’t bukas sila sa sinomang gusto na magsagawa ng imbestigasyon sa kaso at mapanagot kung nagkasala man ang mga sangkot na pulis.

 

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

 

Tags: ,