PNP, sang-ayon na magpatupad ng total firecracker ban sa bansa

by Erika Endraca | October 25, 2019 (Friday) | 11903

METRO MANILA, Philippines – Susunod ang Philippine National Police (PNP) sa kung ano ang mandato ng Pangulo kaugnay sa mga paputok. Gaya aniya ng paglalabas noong isang taon ng Pangulo ng Executive Order 28 na nag-uutos na limitahan ang paggamit ng mga paputok o magpaputok lamang sa mga designated firecracker zone.

“Nagkaroon ng significant decrease of fireworks related injuries nitong 2018 at inaasahan natin na ngayong holiday season ay lalo pang bumaba ang bilang na ito.” ani PNP Spokesperson  Police Brigadier General Bernard Banac.

Kaya naman sakaling ipag-utos ng Pangulo ang total firecracker ban sa bansa ay agad na kikilos ang PNP upang ipasara ang mga pagawaan at tindahan ng mga paputok sa buong bansa.

Ipanunukala din ng PNP sa Local Government Unit (LGU) ang pagkakaroon na lamang ng mga firecracker zone sa bawat barangay at tanging ang mga opisyal na lamang ng barangay ang bibili at magpapaputok sa lugar.

“Wala nang dapat na masaktan at mamatay na biktima ng fireworks at ang masakit dyan ay yung maaaring mabiktima ng sunog.” ani PNP Spokesperson  Police Brigadier General Bernard Banac.

Ngayon pa lamang ay nagpapa-alala na ang PNP sa mga manufacturer at retailer ng mga paputok ngayong papalapit na holiday season.

“Magsasagawa muli ang PNP ng oplan galugad para sa mga firecrackers na illegal na ibinibenta sa mga bangketa at mga tindahan na walang mga permiso at ang mga ito ay subject for confiscation at maaaring makasuhan din ang mga nagbebenta nito at maaari ding maipasara ang kanilang tindahan sa paglabag sa mga umiiral na batas.” ani PNP Spokesperson  Police Brigadier General Bernard Banac.

Samantala, nilinaw din ng PNP na sa total ban ng firecracker o paputok sila pabor at hindi sa pagbabawal sa mga pyrotechnics o mga pa-ilaw.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: ,