PNP-SAF at MILF, nakitaan ng posibleng paglabag sa ilang ceasefire protocols kaugnay ng Mamasapano incident

by dennis | April 6, 2015 (Monday) | 2833
Screengrab from Ito ang Balita
Screengrab from Ito ang Balita

Isinumite na ng International Monitoring Team o IMT ang kanilang report hinggil sa Mamasapano incident sa Government Peace Panel nitong Linggo.

Ang International Monitoring Team ay pinamumunuan ng Malaysia. Ito rin ang facilitator ng peace talks na inataasang mag-monitor ng implementasyon ng mga kasunduan sa pagitan ng Government of the Philippines Peace Panel at ng Moro Islamic Liberation Front.

Lumabas sa kanilang verification report na parehas na may nalabag na ceasefire mechanism protocols ang PNP-SAF at MILF.

Una dito ay ang hindi pagsunod sa ceasefire protocols sa planning at execution stage ng Oplan Exodus.Naniniwala ang monitoring team na may probable cause na i-assume na isang open fire ang ginawa ng PNP-SAF sa isang tulay sa Mamasapano na nagresulta sa pagkamatay ng 2 MILF Bangsamoro Islamic Armed Force. Ito ay sinusuportahan ng mga bullet marks at blood stain sa tulay.

Ipinapakita umano nito na isang full fire fight at hindi lamang isang uncoordinated move ang nangyari sa Mamasapano, na lumabag sa Paragraph 3-B, Article 1 ng 1997 Agreement on the General Cessation of Hostilities o AGCH.

Sinabi rin sa report na ang aksyon ng BIAF ay maituturing na response sa isang hindi naicoordinate na movement ng SAF, at hindi ito mabibilang na violation ng ceasefire rule.

Gayunman, ang pagpasok sa cornfield na nagbunsod sa palitan ng putok ng 55th Special Action Company at BIAF ay maituturing na violation ng AGCH of 1997.

Hindi rin nakakita ng sapat na ebidensya ang IMT na nilabag ng MILF ang batas ukol sa summary executions, dahil sa kawalan ng witness na magpapatunay nito. Ngunit base sa report, lumabag naman ang MILF sa batas ng pillage o pagkuha ng gamit ng mga kalaban nila tulad ng cellphones.
Sa civilian aspect naman ng ceasefire, may nilabag ang PNP-SAF at MILF dahil sa pagkamatay ng 2 sibilyan sa isang crossfire.

Nilabag naman ng MILF ang 2009 Agreement on the Civilian Protection Component of the International Monitoring Team dahil sa pagdala nito ng firearms habang nakikipagugnayan sa mga sibiliyan. Hindi din sapat ang ginawang proteksyon ng PNP-SAF sa mga sibilyan.

Ilan sa rekomendasyon ng IMT ay ang paglilinaw sa isang probisyon hinggil sa pagpapaalam sa mga kinauukulan ng isang operasyon laban sa mga high value target, na nakasaad sa implementing guidelines of the Joint Communique na nilagdaan noong 2012.

Habang isinasagawa ang clarification, ang AD HOC Joint Action Group o AHJAG ay dapat makipagugnayan sa Joint Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities o CCCH sa loob ng 24 oras bago ang operasyon laban sa isang high value target.

Inirekomenda rin na parusahan ang mga MILF at PNP-SAF combatants na gumawa ng krimen.
Naniniwala naman ang Governemnt Peace Panel na nasa DOJ na ang desisyon kung paano ito magbubuo ng kaso base sa mga inilabas na report.

Bagamat hindi pa nakikita ng Malakanyang ang IMT report, muling tiniyak ng Palasyo na sa isinagawa imbestigasyon ng DOJ, hindi sila magdadalawang isip na magsampa ng kaso sa mga may posibleng may sala sa naturang pangyayari. ( Darlene Basingan/ UNTV Correspondent )

Tags: , , , ,