PNP Responders at Senate Sentinels, nangunguna sa UNTV Cup Off Season Executive Face Off

by Radyo La Verdad | May 28, 2018 (Monday) | 2416

Hindi pinayagan ng Senate Sentinels ang defending champion AFP Cavaliers na mailista ang unang panalo sa UNTV Cup Off Season Executive Face Off sa kanilang makapigil hinigang sagupaan sa main game kahapon sa Pasig City Sports Center sa score na 79–77.

Dahil dito, umakyat sa unang pwesto ang Senate Team at nabaon naman sa ilalim ang Cavaliers na wala pang panalo sa huling tatlong laban.

May pagkakataon pa sana ang Cavaliers na manalo nang maagaw nito ang abante 77-74, may 45.9 segundo na lamang na nalalabi sa last quarter.

Ngunit hindi tumiklop ang Senado at ipinamalas ang mahigpit na depensa upang mapako na sa 77 points ang Cavaliers at rumatsada naman ng 5 to zero run ang sentinels.

Tinanghal na best players of the game sina Warren Tan na may 23 points, 13 rebounds at 3 steals at si Ryan Neil Endaya na may 20 points, 7 rebounds, 3 steals at 2 blocks.

Mahigpit din ang naging bakbakan ng PNP Responders at Judiciary Magis sa second game. Abante ng apat na puntos ang Judiciary sa first quarter 24-20 at  45–39 sa second quarter.

Ngunit pagpasok ng second half, unti–unti ng tinibag ng PNP ang Judiciary sa pamamagitan ng kanilang magandang pasahan at mabilis na opensa. Tumunog ang buzzer sa score na 81-75, panalo ang PNP.

Dahil dito, magkaagapay sa unang pwesto ang PNP at Senate na may tig tatlong panalo at wala pa ng talo.

Samantala, pasok na rin sa win column ang DOJ Justice Boosters matapos talunin ang GSIS Furies sa first game sa score na 75-43.

Tinanghal na best player of the game si Assistant State Prosecutor Charlie Guhit na may 11 poinnts at 2 rebounds.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

Tags: , ,