Naghigpit na ng seguridad ang Philippine National Police Region 3 ngayong darating na bakasyon.
Inihayag ng PNP Region 3 na nasa 800 na pulis ang naka-deploy sa mga matataong lugar sa central luzon ngayong long holiday at summer vacation.
Isa rin sa pinaghahandaan ng kapulisan sa rehiyon ang malaking bilang ng mga sasakyan na papasok sa lalawigan ng pampanga simula ngayong linggo dahil sa 2nd Lubao International Balloon Festival ngayong ika-26 hanggang 29 ng Marso.
Bukod pa ito sa holiday season na magsisimula sa ika-29 ng Marso hanggang ika-4 ng Abril. Namahagi na rin sila ng mga leaflets at brochures na naglalaman ng crime prevention tips sa mga lugar na madalas na binibisita ng mga turista.
Inaasahan na rin ang mataas na bilang ng kaso ng pagnanakaw sa mga panahong ito. Humingi na rin ang PNP ng karagdagang suporta mula sa force multipliers na makakatulong sa pagpapanatili ng peace and order mula sa non-government organizations at lokal na pamahalaan.
Inilunsad naman ang Pampanga Police Provincial Office Motorist Assistance Center para naman sa mga emergency sa kalsada. Magtatayo din ng mga checkpoint para masiguro ang kaligtasan ng ating mga kababayan. (Leslie Huidem/UNTV Radio)
Tags: balloon festival, Central Luzon, hot-air balloon, long holiday, PNP Region 3