PNP, pinaiiwas ang mga netizen sa “atm post “ sa social media para sa ligtas na bakasyon ngayong undas

by Radyo La Verdad | November 1, 2018 (Thursday) | 6091

Kinahihiligan ng marami ang pagpopost ng iba’t-ibang mga bagay sa social media; gaya nang pagpopost ng mga opinyon, pagkain, mga ginagawa at iba pa.

Ngunit ayon sa PNP, may dalang peligro sa seguridad ang pagpo-post sa social media lalo na kung ito ay “atm” o at the moment post.

Ayon kay PNP Spokesperson PCSupt. Benigno Durana Jr., maaring dito kumuha ng impormasyon ang mga masasamang-loob at samantalahin ang pagkakataon.

Una, maaari aniya silang sundan ng kanilang mga kaaway, pangalawa ay nagbibigay ito ng impormasyon sa mga magnanakaw na walang tao sa kanilang tahanan.

Payo ni Durana, sa halip na “atm” ay gamitin na lamang ang “late post” o magpost ng mga picture kapag nakabalik na sa bahay.

Sa ganitong paraan aniya ay maiiwasan nilang maging target o masalisihan ng mga magnanakaw. Piliin din aniya ang kaibigan sa mga social media accounts.

Hindi rin aniya ligtas ang mga pulis na may “atm post” sa kanilang mga social media account. Ito’y dahil naka-full alert ang PNP ngayong undas na nangangahulugang dapat ay naka-duty ang mga ito at wala sa bakasyon.

Ang PNP ay naka-full alert hanggang ika-3 ng Nobyembre, Sabado ala sais ng umaga.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,