Masusing binabantayan ngayon ng pamunuan ng Philippine National Police ang performance ng kanilang mga tauhan sa layuning masupil ang iligal na droga sa bansa sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PNP Director for Operations PCSupt.Camilo Cascolan, sa ngayon ay mahigpit nilang ine-evaluate ang trabaho ng bawat chief of police, deputy for operations at provincial and regional directors sa iba’t-ibang lugar upang matukoy kung nagagampanan nitong mabuti ang kanilang mga trabaho.
Babala ng PNP, posibleng maalis sa pwesto ang sinomang opisyal na mabibigong masugpo ang droga sa mga lugar na kanilang nasasakupan.
At upang lalo pang pagbutihan ang kanilang trabaho,tatlong linggong palugit ang ibinigay ng PNP para sa lahat ng Chief of Police, dalawang buwan sa bawat DRDO at 3 buwan naman sa Regional Police Directors.
Batay sa monitoring ng PNP, lumalabas na ang Zamboanga Peninsula o Region 9, ang may pinakamataas na performance rate sa bilang ng mga bahay na binibinsita ng PNP, habang ang ARMM naman ay may pinakaunti.
Sa kategorya naman ng mga boluntaryong sumusuko na drug user, pinakamataas ang naitalang record ng Northern Mindanao Region, habang ang NCR naman ay may pinakaraming drug pusher na napasuko.
As of July 22, umakyat na sa 240 ang bilang ng mga drug suspect na napapatay, nasa mahigit tatlong libo ang mga nasawi, habang nasa mahigit isang daang libo na ang mga boluntaryong sumuko.
(Joan Nano / UNTV Correspondent)