Nakipag-usap na si Philippine National Police Director General Ronald Dela Rosa sa pamunuan ng Chinese police hinggil sa operasyon ng iligal na droga.
Ayon kay Gen. Dela Rosa, nangako ang Chinese police na tutulong sila sa pagtugis sa mga drug lord na nasa likod ng pagpasok ng ipinagbabawal na gamot sa Pilipinas.
Nagbigay na rin aniya ng impormasyon ang Chinese police hinggil sa tamang profile ng Chinese drug lords na sina Peter Lim at Peter Co pati na ng Chinese nationals na sangkot sa illegal drug trade sa Pilipinas.
Itinuturing na highly valuable ang mga impormasyong ito at tumanggi muna si Gen. Dela Rosa na ibunyag ang mga detalye.
Una nang pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Lim at Co kasama si Herbert Colangco bilang top drug lords sa bansa batay sa hawak nilang listahan.
Sina Co at Colangco ay nakakulong na sa New Bilibid Prisons habang isang negosyanteng nagngangalang Peter Lim naman ang lumantad sa National Bureau of Investigation noong nakaraang linggo upang pabulaanang siya ay drug lord.
Si Lim ay unang nakipagkita kay Pangulong Duterte sa Davao bago siya pumunta sa NBI upang linawin ang isyu.
(Sherwin Culubong / UNTV Correspondent)
Tags: Chinese police, pagpasok ng iligal na droga sa bansa, PNP