PNP, nakapagtala ng 22 kaso ng pagpatay kaugnay ng nalalapit na halalan

by Radyo La Verdad | May 10, 2018 (Thursday) | 11496

Dalawampu’t walong election related violence na ang naitatala ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa. Dalawampu’t dalawa rito ay mga kaso ng pagpatay sa ilang kandidato at supporters.

Ayon kay PNP chief Police Director General Oscar Albayalde, bagama’t pina-igting na nila ang police visibility at check points, hindi talaga maiiwasan ang mga ganitong insidente sa local elections.

Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 7,000 barangay ang isinailalim sa election watchlist area.

Mahigit 600 dito ang nakahanay sa red code dahil sa mainit na political rivalry. Ang naturang mga barangay ay matatagpuan sa Abra, Masbate, Bulacan at Mindanao.

Ayon kay Albayalde, inaasahan nila na lalong magiging mainit ang labanan ng mga pulitiko habang papalapit ang araw ng halalan.

Subalit nanawagan ang PNP sa mga kandidato at sa publiko na maging mahinahon at gawin malinis at mapayapa ang eleksyon sa Lunes.

160,000 na pulis ang idedeploy ng PNP sa araw ng eleksyon sa buong bansa upang matiyak ang seguridad hindi lang ng mga botante kundi maging ng ng mga guro at election officers.

 

( Bryan Lacanlale / UNTV Correspondent )

Tags: , ,