PNP, naka full alert status sa long holiday

by Radyo La Verdad | October 25, 2022 (Tuesday) | 22794

METRO MANILA – Inalerto ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Junior ang buong hanay ng pulisya upang maging handa sa pagbibigay ng seguridad sa darating na long holiday.

Ayon kay General Azurin, dapat na naka-duty ang lahat ng mga  pulis upang mapaigting ang kanilang visibility at pagbabantay lalo na sa mga matataong lugar.

Layon nito na mapigilan ang masasamang loob na maaaring magsamantala sa panahong dagsa ang mga tao.

Aabot sa 26,000 na mga pulis ang ide-deploy ngayong darating na undas.

Ayon sa PNP inaasahan na mas maraming mga tao ang dadagsa ngayon  dahil mas maluwag na ang mga restriction.

Dahil dito tutukan nila ang pagbabantay sa sementeryo at transport hubs at  sa mga airport na maaaring dumugin ng mga tao.

Mahigpit rin ang paalala ng pulisya sa ating mga kababayan na magbabakasyon na tiyaking nakasaradong mabuti ang kanilang mga bahay upang makaiwas sa mga kawatan.

Payo ng PNP, makipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay sakaling aalis ng bahay ngayong bakasyon.

Samantala muli namang tiniyak ng PNP na wala silang namomonitor na anomang banta sa seguridad ngayong long holiday.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,