PNP, nagpadala na ng mga tauhan ng SAF sa Bicol, Samar, Negros Oriental at Negros Occidental

by Radyo La Verdad | November 27, 2018 (Tuesday) | 8071

Nagpadala na ang Philippine National Police (PNP) ng tig isang company ng Special Action Force (SAF) sa apat na probinsiya na tinutukoy ng Memorandum Order 32 ng Malakanyang.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, magagamit ang mga SAF troopers para wakasan ang lawless violence Bicol Region, Samar, Negros Occidental at Negros Oriental.

Nakasaad sa Memorandum Order No. 32 na dapat magdagdag ng tauhan ang PNP at AFP sa mga nabanggit na lugar kung saan aktibo ang New People’s Army (NPA).

Bukod sa SAF troopers, inatasan din ni Chief PNP ang mga hepe ng Police Regional Offices 5, 6, 7 at 8 na bumuo ng implementation plan para sa Memorandum Order No. 32.

Sa nasabing mga rehiyon nangyari ang ilang insidente ng pag-atake ng npa kabilang ang serye ng ambush sa mga tauhan ng PNP at AFP sa Bicol, Sagay massacre sa Negros Occidental, at ang paglusob sa Lapinig Police Station sa Samar.

Pinabulaanan naman ng PNP ang paratang ng mga makakaliwang organisasyon na ang hakbang na ito ay para sa napipintong martial law declaration sa buong bansa.

Sinabi naman ni AFP Spokesperson BGen. Edgard Arevalo na susuportahan nila ang layunin ng M.O. 32 dahil mandato ng AFP ang pagtiyak sa kaligtasan ng mamamayan at protektahan ang estado.

Nakatakdang namang nagpulong ang Joint Peace and Security Coordinating Council ng AFP at PNP ngayong linggo.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,