PNP, nagpaalala sa publiko sa kanilang karapatan sa mga checkpoints

by Radyo La Verdad | May 3, 2018 (Thursday) | 10105

Nagpa-alala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko hinggil sa kanilang karapatan lalo na kung masasalang sa mga checkpoints.

Ayon kay Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde, kailangan na ang checkpoint ay nasa maliwanag na lugar, hindi rin maaaring palabasin ng mga pulis ang pasahero sa loob ng sasakyan at hindi rin maaaring kapkapan.

Bawal ipasok ng pulis ang anomang parte ng kanyang katawan sa loob ng sasakyan kapag nagsasagawa ng inspeksyon. Hindi rin pwedeng utusan ng pulis ang pasahero na buksan ang anomang compartment ng kanilang sasakyan.

Pinaalalahanan rin ni Albayalde ang lahat ng mga pulis na maging magalang sa mga checkpoints.

Samantala, umakyat na sa pitong daan at limampu’t dalawa ang bilang ng mga naaresto sa ipinatutupad na Comelec gun ban.

Batay sa datos ng National Election Monitoring Action Center (NEMAC), ang National Capital Region (NCR) ang nakapagtala ng pinakamaraming nahuling lumabag sa gun ban na umaabot sa 206.

Umaabot naman sa 275 ang kabuuang bilang ng mga naaresto sa iba pang bahagi ng Luzon, 130 naman ang nahuli sa Visayas at 141 sa Mindanao.

Ang mga nahuli at sasampahan ng kasong paglabag sa Omnibus Election Code.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,