PNP, nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng Canadian national na si John Ridsdel

by Radyo La Verdad | April 27, 2016 (Wednesday) | 9372

John-Ridsdel
Nagpaabot na ng pakikiramay ang pamunuan ng Philippine National Police sa pamilya ng Canadian kidnap victim na si John Ridsdel na pinugutan ng ulo ng bandidong Abu Sayaff.

Ayon kay PNP Chief PDG Ricardo Marquez, hindi titigil ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa pagtugis sa mga bandido.

Sinabi ni Marquez na magsasagawa ng intensive military at law enforcement operation upang mapigilan ang mga bandidong Abu Sayaff sa paghahasik ng terorismo sa bansa.

Makakaasa rin ang publiko na gagamitin ng pamahalaan ang buong pwersa ng batas upang mapanagot ang mga kriminal sa kanilang maling gawain.

Gayunman, aminado ang pinuno ng pambansang pulisya na wala silang impormasyon kung nasaan ang 3 pang bihag na kasama ni Ridsdel.

Ang ulo ni Ridsdel ay natagpuan bandang 3:45 ng hapon nitong Lunes sa Jolo habang patuloy pa ring hinahanap ang katawan nito.

Oktubre ng nakalipas na taon nang dukutin ng mga bandido si ridsdell kasama ng isa pang Canadian national na si Robert Hall, Norwegian na si Kjartan Sekkingstad at Pinay na si Marites Flor sa Samal Island.

(Lea Ylagan/UNTV NEWS)

Tags: ,