PNP, nagdagdag ng mga tauhan na magbabantay ng seguridad sa Samar sa araw ng halalan

by Radyo La Verdad | April 22, 2016 (Friday) | 1524

JENELYN_PNP
Personal na bumisita si Philippine National Police Chief Director General Ricardo Marquez sa Eastern Visayas upang bantayan ang ginagawang plano at paghahanda para sa nalalapit na halalan.

Maraming naitatalang kaso ng karahasan kapag election period sa rehiyon, partikular na sa Samar, dahil sa mahigpit na labanan ng mga magkakaribal sa pulitika.

Kaya nagdagdag na ng halos tatlong daang pulis, kabilang na ng Special Action Force, sa lugar upang masiguro ang maayos na pagdaraos ng eleksyon sa Mayo a-nueve.

Hinikayat rin ni General Marquez ang publiko na isumbong ang mga abusado at mapagsamantalang police sa kanilang lugar upang agad maaksyunan.

Samantala, inihayag rin ng PNP na mailalabas na ngayong taon ang mahigit sa 173-million pesos na Presidential Social Fund Assistance para sa mga pulis na naapektuhan ng Bagyong Yolanda at magnitude 7.2 na lindol sa Bohol noong 2013.

(Jenelyn Gaquit / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,