PNP, nagbabala sa publiko sa estilo at pagsalakay ng mga sindikato ngayong holiday

by Radyo La Verdad | October 30, 2017 (Monday) | 3272

Naka full-alert status ang buong Philippine National Police ngayong long holiday, ito ay upang masiguro ang kaligtasan ng publiko na maglalakbay at magpupunta sa mga sementeryo.

Partikular na ipinag-utos ng PNP ang presensya ng mga pulis sa pamamagitan ng pagpapatrolya at pag-dedeploy ng road marshalls na aalalay sa mga motorista at sa mga kababayan nating magsisiuwian na sa mga lalawigan.

Magtatayo rin ng mga assistance hub sa mga sementeryo at iba pang matataong lugar kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan at mga force multiplier para sa mas pina-igting na seguridad.

Nagpaalala rin ang PNP sa publiko na maging maingat laban sa mga criminal elements gaya ng mga snatcher, salisi gang, laslas gang at iba pa ngayong undas. Pinayuhan ang publiko na iwasang magsuot ng mamahaling alahas at pagdadala ng malaking halaga ng pera sa matataong lugar upang makaiwas na mabiktima ng mga magnanakaw.

Pinayuhan rin maging ang mga maglalakbay o magbabakasyon na huwag iiwan ng matagal na panahon ang kanilang mga bahay. Siguraduhing nakakandado ang mga pinto at bintana ng maayos upang makaiwas na mabiktima ng akyat bahay gang.

Nagbabala naman ang PNP sa mga may-ari ng mga establisyemento na maging mapagmatyag at mag-ingat sa acetylene gang o mga tunnel rats syndicate.

Ayon kay PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa, on duty ang lahat ng mga pulis at 50% ng mga tauhan sa National Headquarters ay naka-duty rin sa kampo.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,