PNP, nag-inspeksyon sa mga matataong lugar upang tiyakin ang seguridad ng publiko ngayong holiday season

by Radyo La Verdad | December 21, 2017 (Thursday) | 7002

Nag-ikot sa matataong lugar sa Metro Manila si National Capital Region Police Office Chief Oscar Albayalde upang tiyakin na may sapat na bilang ng mga pulis na naka-deploy sa lugar.

9,500 na mga pulis ang idineploy ng NCRPO sa buong Metro Manila. Pansamantala ring itinigil ang training ng mahigit dalawang daang mga PO1 upang makadagdag sa pwersa ng mga pulis. Sila ang magbabantay upang hulihin ang mga nagpapaputok ng baril tuwing nagpapalit ang taon. Maging ang mga floating status na mga pulis ginamit rin.

Nais matiyak ng PNP ang seguridad ng publiko lalo na ngayong holiday season na dagsa ang mga tao sa mga mall at mga pamilihan.

Ayon kay Albayalde, naka-full alert ang PNP at 24 oras na magbabantay sa mga pampublikong lugar.

Sa ngayon ,wala namang namonitor na banta sa seguridad ang PNP mula sa mga terorista o rebeldeng grupo. Inaasahan namang mas dadagsa ang tao sa mga pamilihan bukas sa Divisoria kaya todo bantay rin ang mga pulis.

Mula Dec.1, nakapagtala ng labing apat na kaso ng petty crimes ang MPD sa Divisoria at arestado ang lahat ng suspect.

Nagdeploy rin ang PNP maging sa Araneta Bus Terminal para sa seguridad ng mga mananakay.

Nagpaalala naman si Albayalde sa lahat ng mga pulis na gawin ng maayos ang kanilang trabaho, nagbabala ito sa mga pulis na mahuhuling nag-tetext at nakikipag-kwentuhan lang habang naka duty, ayon kay Albayalde hindi siya magdadalawang-isip na tanggalin sa pwesto ang mga pulis na hindi maayos gumanap ng kanilang tungkulin.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,