PNP, nag-inspeksyon sa Araneta City Bus Terminal para sa seguridad ng mga pasahero

by Erika Endraca | October 30, 2019 (Wednesday) | 13107

MANILA, Philippines – Patuloy ang pagdating sa Araneta City Bus Station ng mga pasaherong uuwi ng probinsiya para sa long holiday. Upang matiyak ang seguridad sa naturang terminal, nag-inspeksyon Kahapon (October 29) si PNP Officer in charge Police Lieutenant General Archie Gamboa kasama si NCRPO Chief Police Brigadier General Debold Sinas.

Sa pag-iikot kahapon, namigay si Gamboa ng pamphlets sa mga pasahero na naglalaman ng mga paalala at tips para sa ligtas at mapayapang byahe.

Nag-inspeksyun din si siya sa loob ng mga bus. Ayon pa kay Gamboa, handa na ang terminal para sa dagsa ng mga pasahero.  24  – oras na rin aniya ang pagbabantay ng mga miyembro ng pulisya na nakaistasyon sa police assistance desk sa terminal.

Mayroon ding 3 K9 bomb sniffing dogs na nag-iikot sa terminal maging medical booth mula Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office.

Panawagan naman ni Gamboa sa mga drayber, laging isaisip ang kapakanan ng mga pasahero. Pagtitiyak ng pambansang pulisya, wala silang namo-monitor na banta sa seguridad ngayong long holiday.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,