Sisimulan na muli ng Philippine National Police ang kanilang operasyon kontra droga sa ilalim ng PNP-Drug Enforcement Agency o P-DEG na ipinalit sa binuwag na Anti-Illegal Drugs Group o AIDG.
Hindi lamang ito kampanya ng national headquarters dahil mayroon ding Regional Drug Enforcement Unit, provincial at Municipal Drug Enforcement Unit sa mga lalawigan.
Maging ang pangangatok sa mga bahay sa ilalim ng project tokhang ng oplan double barrel alpha reloaded ay muling aarangkada.
Ang kaibahan lang aniya ngayon ay isasama nila sa bawat operasyon at pangangatok ng bahay ang mga chief of police, territorial head tulad ng barangay chairman at religious leaders sa lugar upang maiwasan ang karahasan o madugong operasyon.
Tiniyak naman ni Chief PNP na piling pili ang mga tauhan ng P-Deg sa pangunguna ni PSSupt. Graciano Mijares na dating Deputy Regional Director for Administration ng Central Luzon.
Naglabas na rin sila ng hotline na maaaring tawagan ng mga nais na magsumbong kaugnay sa operasyon ng iligal na droga.
Tiwala naman ang pamunuan ng PNP na magtatagumpay ang naturang kampanya sa tulong na rin mga LGU at mga Non-Government Organizations na sumusuporta sa kanila.
Sa naitalang 1.2 milyon drug user sa bansa sa loob ng 8 buwan, 90% dito ang hindi pa malala at kailangan lamang ng community based rehab program.
(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)
Tags: iligal na droga, Operasyon, P-DEG, PNP, PNP-Drug Enforcement Group