PNP, may sariling gender sensitivity comfort room

by Radyo La Verdad | August 15, 2019 (Thursday) | 4977

Kinikilala at inirerespeto ng pambansang pulisya ang mga miyembro ng LGBT. Kaya naman ang opisina ng Human Rights Affairs Office ay may tatlong klase ng CR, mayroong pambabae, mayroong panglalaki at mayroon ding para sa mga miyembro ng LGBT na may nakasulat na “Gender Sensitivity Comfort Room /LGBT and Guest.”

Ayon kay PBGen. Bernard Banac, ang Spokesperson ng PNP, “ ‘Yun po ay inilagay talaga natin sa opisina ng Human Rights Affairs Office ng PNP biglang pagkilala natin sa karapatan ng bawat isa, ng bawat nilalang.”

Dagdag pa nito, mahalaga ang pagkakaroon ng ganitong uri ng CR upang maiwasan ang diskriminasyon at hindi na maiilang ang LGBT Community sa pampublikong palikuran.

Sinabi ni Banac, na plano din ng PNP na maglagay ng CR para sa mga LGBT sa iba pang lugar sa Kampo Crame.

Sa isang phone interview, sinabi ni PBGen. Bernard Banac, “Bahagi ng program ng PNP ang Gender And Development Sensitivity kaya’t noon pa man ang PNP ay nangunguna na sa pagsuporta sa programa at mga batas patungkol sa Gender And Development Sensitivity, ang gusto nga nating mangyari dito ay ma-empower at magkaroon ng equitable, sustainable, free from violence, respect for human rights at supportive tayo sa self-determination and actualization ng human potentials ng bawat nilalang.”

Samantala, hinihimok din ni Banac ang pribadong sektor at lahat ng tanggapan ng pamahalan na magtayo o magtalaga rin ng gender-sensitive comfort rooms.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: , ,