PNP, malabo pang makabili ng air assets kahit maaprubahan ang PNP Modernization program

by Radyo La Verdad | October 15, 2015 (Thursday) | 1351

LEA_MARQUEZ
Hindi pa makabibili ng mga air asset ang Philippine National Police kahit maaprubahan na ang isinisulong nilang modernization program.

Ayon kay PNP Chief P/Dir. Gen. Ricardo Marquez, tanging ang pagbili lamang ng ibang mga equipment sa 2016 ang kabilang sa PNP Modernization program na nasa technical working group na ngayon ng mababang kapulungan ng kongreso.

Sinabi pa ng heneral na talagang kailangan ng PNP ang air assets lalo na sa mga operasyon ng Special Action Force subalit masyadong mahal ito kaya’t ipare repair muna nila ang mga existing na helicopter ng pambansang pulisya.

Ayon pa kay Marquez mayroon namang apat na helicopter ang pnp at kailangan lamang kumpunihin upang magamit ang maliliit kahit sa pagmo monitor ng traffic sa Edsa.

Paglilinaw nito apat ang air asset ng PNP. Dalawa rito ang grounded dahil sa kasong isinampa sa ilang opisyal simula noong 2010 dahil sa umano’y maanomalyang pagbili rito.

Gayunman, sinabi ng heneral na kinukumpleto na lamang nila ang mga dokumento para sa pagpapa-repair ng kanilang mga sirang air asset.

Noong isang araw ay nagtapos na sa kanilang air to ground operation seminar ang may 1116 na mga tauhan ng Special Action Force at regional public safety battalion ng PNP sa tulong ng Philippine Airforce.

Dito ay sinanay ang mga ito sa close air support, troop insertion at casualty evacuation gamit ang helicopter ng Philippine Airforce sa pakikipaglaban sa kunyaring mga rebelde.(Lea Ylagan/UNTV Correspondent)

Tags: ,