PNP, magdadagdag ng tauhan sa mga lugar na nasa ilalim ng COMELEC control

by Radyo La Verdad | March 26, 2019 (Tuesday) | 9618

METRO MANILA, Phippines – Magdadagdag ng tauhan ang Philippine National Police sa mga lugar na isinailalim sa COMELEC control habang papalapit ang halalan. Kabilang dito ang buong Mindanao, Jones Isabela, Lope de Vega sa Northern Samar, Daraga Albay at buong probinsya ng Abra.

Ayon kay PNP Chief PDG Oscar Albayalde, nasa 941 na ang election hotspots sa buong bansa kung saan 570 lugar ang nasa ilalim ng red category o grave concern. 131 na bayan at siyudad naman ang nasa yellow category o areas of concern at 238 ang nasa immediate concern o orange category.

Dagdag pa ni Albayalde, magsasagawa sila ng re-alignment of troops. “Yung mga naka-assign dito sa national headquarters, we deploy them to the different critical areas, basically we create an special task group headed by Senior Officer at least police Brigadier General,” ani Albayalde.

Paglilinaw pa niya, hindi naman lahat ng lugar na inilagay sa red category at isinailalim sa COMELEC control ay magulo bagkus ito ay dahil kasama rin sa pinagbasehan ang sitwasyon sa lugar noong mga nakaraang halalan.

“This is probably to ensure that deployment of personnel there are enough. Not necessarily nasa red areas ‘yan o areas of grave concern eh ibig sabihin magulo ‘yung lugar na ‘yun,” ayon kay Albayalde.

Samantala, wala naman sa listahan ng grave areas of concern ang National Capital Region at Ilocos Region.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: , , ,