Muling tiniyak ng Philippine National Police na walang terror threat sa bansa kasunod ng mga nangyaring pambobomba sa Jakarta, Indonesia noong nakaraang linggo.
Sa katunayan, ayon kay PNP Chief PDG Ricardo Marquez, pinag-aaralan na nila kung ibababa sa hightened alert ang umiiral na full alert status ng buong pwersa ng pambansang pulisya.
Nanindigan din ang pinuno ng pambansang pulisya na walang ISIS o Islamic State of Iraq and Syria sa bansa dahil wala pa rin namang ipinalalabas na report ang anti-terrorism council ukol dito.
Subalit dagdag ng heneral, pinaghahandaan ng PNP ang magiging hakbang sakaling mangyari sa Pilipinas ang nangyaring bombing sa Jakarta.
Muli nilang pag-aaralan ang kanilang contingency plan laban sa terrorist attack upang agad na makakilos ang mga tauhan sa ground sakaling may mangyaring pagsabog.
Samantala, kinumpirma rin ni Gen. Marquez na wala pang nakararating sa kanilang report mula sa Indonesia hinggil sa sinasabing sa Pilipinas nagmula partikular sa Mindanao ang bomba at ang grupo na responsable sa Jakarta bombing.
Gayunmay, hinihintay nila ang report mula sa kanilang Indonesian counterparts upang makumpirma ang balita at makapagsagawa sila ng imbestigasyon.
Aniya mayroon dating mga balita na may nangyayaring smuggling ng maliit na bilang ng baril sa Japan at Taiwan mula sa Pilipinas subalit walang balitang kasama ang Indonesia.
(Lea Ylagan/UNTV News)
Tags: Jakarta bombing, PNP Chief PDG Ricardo Marquez, terror threat