PNP, ipinauubaya na sa Pangulo ang paglalabas ng listahan ng mga narco politician na tatakbo sa midterm elections

by Radyo La Verdad | October 19, 2018 (Friday) | 2722

Iginiit ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde na wala silang otoridad na isapubliko ang narco list malibang ipag-utos ito ng Pangulo.

Kaya ayon kay Albayalde, ipinauubaya na nila kay Pangulong Duterte kung ilalabas ang listahan ng mga pulitikong kabilang sa narco list na kakandidato rin sa darating na 2019 midterm elections.

Una nang sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na naghihintay pa sila ng direktiba mula sa pangulo bago ilahad sa publiko ang nasabing listahan.

Ayon kay Aquino, dumaan sa adjudication at validation process ang mga local government officials na napabilang sa naturang listahan. Kabilang sa listahan ay mga vice mayor, mayor, governors, vice governors at congressman ngunit wala namang senador. Mula sa dating 93, bumaba na ito sa 85, matapos na mapatay ang apat at maaresto ang apat pang opisyal.

Ipinahayag naman ng Malacañang na wala pang desisyon ang Pangulo kung ilalabas ang listahan. Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, isinaalang-alang ng Pangulo ang karapatan at interes ng lahat kung paano magiging mapayapa at katiwa tiwala ang darating na halalan.

Noong 2016 ay naglabas na ng listahan si Pangulong Rodrigo Duterte ng mga narco politician kasama ang ilang miyembro ng law enforcement unit at hudikatura.

Pabor naman ang PNP na isailalim sa drug test ang mga pulitiko na tatakbo sa darating na halalan.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,