PNP iniimbestigahan na ang viral video ng motorcycle stunts sa Zambales

by Erika Endraca | September 2, 2021 (Thursday) | 3877

METRO MANILA – Pinaiimbestigahan na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar ang 2 pulis matapos mag viral ang video na gumagawa ng mapanginib na stunts habang nagmamaneho.

“Matapos kong mapanood ang viral video na ito, agad kong inatasan ang RD, PRO3, Police Brig. Gen. Val de Leon pati na din ang Director ng Highway Patrol Group na tukuyin, imbestigahan at patawan ng karampatang parusa ang mga kamote riders na ito. Kasama sa aking utos ay alamin kung mga pulis nga ang dalawang ito,” ani PNP Chief Police General Guillermo Eleazar.

Nagbabala rin ang opisyal na kung mapatunayang totoong pulis ang 2 lalaking nasa video ay makakatanggap sila ng kaukulang parusa dahil sa kanilang ginawa, hindi lamang aniya sila ang maaaring malagay sa panganib pati na din ang iba pang mga motorista.

“Inaasahan ko ang mabilis na resulta ng imbestigasyon tungkol dito at binabalaan ko din ang ating mga pulis na motorcycle riders na huwag tularan ang mga iresponsable at mga payasong riders na ito” ani PNP Chief Police General Guillermo Eleazar.

Nauna nang itinanggi ng Highway Patrol Group na tauhan nila ang nasa viral video at sinabing iniimbestigahan na ang insidente at inaalam kung sino ang mga salarin.

(Zy Cabiles | Laverdad Correspondent)

Tags: