PNP, inaalam pa kung nasa narco list ang pulis na tinambangan sa Cagayan de Oro

by Radyo La Verdad | November 22, 2018 (Thursday) | 30284

Blangko pa rin ang binuong Special Investigation Task Group (SITG) sa Region 10 sa motibo ng pananambang kay PSupt. Michael John Deloso.

Si Deloso ay tinambangan ng dalawang lalaking sakay ng itim na Yamaha Mio na motorsiko sa Luna St. Cor. Provincial Road, Brgy. 29, Cagayan de Oro City habang sakay ng kanyang puting Nissan Urvan pasado alas nuebe ng umaga noong Martes.

Matapos ang pananambang, mabilis na nakatakas ang dalawang suspek na nakasuot ng bonnet at helmet patungo sa diresyon ng Provincial Jail sa Gen. Antonio Luna Street.

Nagtamo si Deloso ng tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ngunit nakaligtas at patuloy na nagpapagaling sa ospital.

Ayon kay PNP Spokesperson PCSupt. Benigno Durana Jr. , hindi titigil ang PNP hanggat hindi nakikilala ang mga salarin at kung ano ang motibo sa krimen.

Sinabi pa ni Durana na kababalik lamang ni Deloso sa serbisyo noong ika-20 ng Abril 2018 matapos na baliktarin ng Ombudsman ang desisyon nito noong isang taon na nagdi-dismiss kay Deloso sa serbisyo dahil sa mga kaso ng bribery at extortion.

Dagdag ni Durana, inaalam pa ng mga otoridad kung kabilang si Deloso sa narco list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nauna nang nag-alok si Pangulong Duterte ng tatlong milyong pisong reward sa mga pulis na makapapatay sa kanilang senior officials na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,