PNP, iimbestigahan ang mga bangko na posibleng sangkot sa rent-sangla scam

by Radyo La Verdad | February 21, 2017 (Tuesday) | 2563


Isa sa tinitignan ngayon ng Philippine National Police sa rent-sangla modus ang pagkakaroon ng kasabwat sa loob ng bangko ng mga sindikatong responsible sa gawaing ito.

Ayon kay PNP Chief PDG Ronald Dela Rosa, nais nilang tignan ang bawat anggulo sa isyu upang mabilis na maresolba kung sino ang mga sangkot sa krimeng ito.

Pinaalalahanan din ni Chief PNP ang mga lending institutions at bangko na agad ipagbigay alam sa kanila ang mga kahina-hinalang trasaksyon ng car loans.

Nagpaalala naman si PNP-HPG Director Gardiola sa publiko hinggil sa naturang modus.

Ayon sa tala ng PNP-Highway Patrol Group nasa 1800 na mga sasakyan ang naipasok sa rent-sangla scam at sa ngayon ay nasa 800 pa lamang ang narerecover ng PNP-HPG.

Patuloy namang hinahanap ng PNP ang ilan pang mga personalidad na sangkot sa rent-sangla scam.

Sa ngayon isa sa apat na suspect ang nahuli na, makakasuhan ang suspect ng large scale estafa at hindi pahihintulutang makalabas ng bansa.

Ayon kay Dela Rosa maituturing na economic sabotage ang ginagawa ng mga operator ng rent-sangla scam dahil sa bilyong pisong kinita ng mga ito sa kanilang mga biktima.

Maaari ding makasuhan ng paglabag sa anti-fencing law ang mga tao na pinagsanglaan na ayaw i-surrender ang mga sasakyan.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: , ,