METRO MANILA – Huhulihin na ng mga pulis ang lahat ng makikita nilang gumagamit ng Vape o E-Cigarette sa mga pampublikong lugar. Alinsunod ito sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na total ban sa paggamit at pag-aangkat ng Vape o E-Cigarette.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson PBGEN. Bernard Banac ang pag-aresto na kanilang gagawin ay alinsunod sa ipinatutupad na ordinansa ng bawat siyudad. Sa mga siyudad naman na walang ordinansa, ililista ang pangalan ng mga ito. Makikipag-ugnayan din ang PNP sa LGU’S, mga manufacturer at seller ng vape upang ipagbawal ang pagtitinda nito.
“Ang lahat ng maaaresto ay tinitiyak na makakalaboso, madadala sa presinto at doon sila magpapaliwanag. Sila po ay irerecord lamang sa mga presinto natin na lumabag sa ordinansa, pag may ordinansa at maaari silang ma penalized” ani PNP Spokesperson, PBGEN. Bernard banac
Samanatala mismong sa loob ng mga kampo ng pulis bawal narin ang paggamit ng Vape o E-Cigarette at ang mga pulis na mahuhuling gumagamit ng vape ay sasampahan ng kasong administratibo
(Lea Ylagan | UNTV News)