Titiketan at pagmumultahin ng Highway Patrol Group ang lahat ng mga motorista na gagamit ng otsong plaka.
Ayon sa PNP-HPG, illegal plate ang magiging violation ng mga gagamit ng naturang plaka.
Ayon kay PNP-HPG Director PCSupt. Roberto Fajardo, may multa aniya itong 5,000 piso at kukumpiskahin ng protocol plate at iba pang commemorative plates.
Ang hakbang na ito ng pulisya ay kasunod ng pagbawi ng liderato ng Kamara sa mga otsong plaka ng mga miyembro ng 16th Congress pababa.
Sinabi pa nito na maaaring tiketan sila ng HPG personnel dahil ilan sa kanila ay deputized ng Land Transportation Office (LTO).
Pabor naman si Chief PNP-PDG Oscar Albayalde na kumpiskahin at tiketan ang mga patuloy na gumagamit ng mga iligal na plaka.
Gayunman, pinaalalahan nito ang HPG personnel na maging magalang at mahinahon sa pagkumpiska at paniniket sa mga motoristang mayroong protocol ‘8’ at commemorative plates.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )
Tags: Kamara, PCSupt. Roberto Fajardo, PNP-HPG