PNP-HPG inatasan na ang MMDA Constable na mag-assist sa mga motoristang naliligaw dahil sa maraming saradong daan

by Radyo La Verdad | November 17, 2015 (Tuesday) | 4030

GUNNACAO
Inatasan na nang pinuno ng Highway Patrol Group ang mga MMDA Constable upang mag-assist sa mga motorista sa mga maaaring daanan matapos na isara ang karamihan sa mga kalsada dahil sa APEC Summit.

Ayon kay PNP HPG Director P/CSupt. Arnold Gunnacao, may mga kopya na ng alternate route ang mga naka duty na MMDA Constable upang madali nilang maituturo ang daan sa mga motoristang nalilito at naliligaw upang maiwasan ang sobrang traffic .

Payo pa ng HPG sa mga commuter, huwag sumiksik sa Edsa at sa halip ay dumaan sa mga alternate route dahil doon din naman dumadaan ang mga pampasaherong sasakyan upang hindi sila maglakad tulad ng nangyari kagabi.

Kasunod ng ipinatutupad na mahigpit na seguridad, sinabi naman ng AFP na simula ngayong araw epektibo na ang no fly zone at no sail zone hanggang huwebes.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Restituto Padilla, mula Luneta radiating 40 nautical miles out ay bawal nang lumipad at maglayag.

Sinabi pa nito na sa labas ng no fly zone ay may air patrol din na siyang nag momonitor sa seguridad habang ang Coastguard, Navy at Maritime naman ang nagpapatrolya sa dagat.

Para naman sa mga may katanungan nagbukas din ng APEC Public Assistance Hotline numbers ang PNP na 09497260082 at 09062163615 para sa publiko.

Sinabi rin ni PNP PIO Chief P/CSupt. Wilben Mayor, asahan pa ang mas mahigpit na pagpapatupad ng seguridad tulad ng stop and go o 30 minutong paghinto ng mga motorista bago dumaan ang convoy ng mga economic head ngayong araw dahil sa pagdating ng halos lahat na ng mga ito para sa APEC ummit.

Humingi din ng paumanhin ang PNP sa publiko sa abala at perwisyong idinidulot ng mga saradong kalsada. (Lea Ylagan/UNTV News)

Tags: , ,