PNP-HPG, aminadong hirap mabawi ang halos kalahati pa ng mga sasakyang natangay sa rent- sangla scheme

by Radyo La Verdad | March 9, 2017 (Thursday) | 2549


Pinayuhan na ng Philippine National Police Highway Patrol Group ang iba pang mga nabiktima ng rent-sangla scheme na magsampa na ng pormal na reklamo laban sa mga nang-engganyo sa kanila.

Ito’y upang mapadali ang paghahanap sa nasa 800 pang nawawalang sasakyan na tinangay ng mga sangkot sa modus.

Ayon kay HPG Spokesperson PSInsp. Jem Delantes, karamihan sa mga nawawala pang sasakyang ay pinaniniwalaang tinanggalan na ng global positioning system upang hindi ma-trace o chinop-chop na at dinala sa Mindanao.

Delikado naman aniya sa kanila na basta na lamang susugod sa Mindanao upang bawiin ang nasabing mga sasakyan dahil sa usaping pang seguridad.

Kaya mas mapadadali aniya ang pag recover sa mga ito kung may nakasampa ng kaso.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng PNP sa mga posibleng kasabwat ng mga suspek sa ilang bangko kaya mabilis naaprubahan ang kanilang car loans.

Sa ngayon, nasa 1,800 sasakyan ang estimate ng highway patrol group na natangay sa modus ngunit nasa isang libo pa lang ang nababawi.

Sa ngayon, nahaharap na sa kasong large scale estafa ang mga sinasabing utak ng scam na sina Tychicus Nambio, Rafaela Anunciacion, Eleonor Lea Rosales, Jennelyn Berriya at Anastacia Cauyan.

(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,