PNP, hindi maglalagay ng mga barikada at hindi pagdadalhin ng armas at shield ang kanilang mga tauhan sa darating na SONA

by Radyo La Verdad | July 19, 2017 (Wednesday) | 3036


Handa na ang preparasyon ng PNP para sa ikalawang SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes.

Mahigit anim na libong mga pulis ang idedeploy sa palibot ng Batasan Complex.

Pahihintulutan pa rin na makalapit ang mga militanteng grupo sa Batasang Pambansa.

Subalit ang mga pulis, hindi papayagang magdala ng shield, baton at armas.

Wala ring container van na ihaharang at walang ilalagay na mga barb wire.

Ayon kay National Capital Region Police Office Chief Oscar Albayalde, naniniwala ang PNP na magiging payapa naman ang SONA ng pangulo subalit hindi nito kukunsintihin ang mga manggugulo.

Mahigpit ring ipatutupad ang no fly zone sa 6 kilometer radius ng Batasan Complex.

Wala namang pagaganahing mga signal jammers ang PNP.

Kahit walang namomonitor na banta sa seguridad tiniyak ng PNP na mahigpit na magbabantay partikular sa mga critical area sa Metro Manila.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: , ,