PNP hindi maglalagay ng barikada sa Commonwealth Avenue sa SONA ng Pangulo

by Radyo La Verdad | July 20, 2016 (Wednesday) | 1637

Pcsupt.--Oscar-Albayalde
Hindi na maglalagay ng mga barikada o container vans ang National Capital Region Police Office sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa araw nang State of the Nation Address ni Pang. Rodrigo Duterte sa Lunes.

Subalit isasara pa rin sa trapiko ang bahagi ng Commonwealth Avenue simula sa Ever Gotesco hanggang Sandiganbayan o tapat nang Jocfer building.

Ayon kay NCRPO Chief PCSupt. Oscar Albayalde, wala silang namo-monitor na ano mang banta sa SONA ng Pangulo at posibleng wala ring anti-government protest.

Ngunit kung nanaisin daw ng Pangulo na makalapit ang mga protesters hanggang Batasan ay mayroon na silang contingency plan.

Sinabi pa ng heneral na 16 na libong pulis ang itatalaga nila sa SONA at 11 libo rito ay ilalagay sa bisinidad ng Batasang Pambansa.

Kabilang na ang may 500 Special Action Force na mamamahala sa Task Force Antabay.

Bagamat walang namo-monitor na pagbabanta, tiniyak ng NCRPO na itataas pa rin nila sa full alert status ang pwersa ng mga pulis sa Metro Manila bago ang weekend.

(Lea Ylagan/UNTV Radio)

Tags: ,