PNP, handa na sa darating na inagurasyon nina President-elect Bongbong Marcos Jr. at VP-elect Sara Duterte

by Radyo La Verdad | June 1, 2022 (Wednesday) | 4462
Photo: Mayor Inday Sara Duterte FB Page

METRO MANILA – Nakahanda nang maglagay ng mga karagdagang pwersa ang Philippine National Police (PNP) sa magkahiwalay na inagurasyon nina President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos at Vice President-elect Sara Duterte-Carpio ngayong Hunyo.

Sa isinagawang press conference sa Camp Crame, ipinahayag ni PNP officer-in-charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr. na bagama’t wala pa silang nasusubaybayang banta sa magkahiwalay na inagurasyon ay patuloy pa ring magbabantay ang PNP.

“As of now we have not received any serious threat. However, we should not be very complacent considering that these are our top leaders of the land. We should always be on alert. So atin pong i-ensure ang safety ng President-elect and Vice President-elect,” ani PNP officer-in-charge Lt. Gen. Danao Jr.

Tiniyak din niya na magiging maayos ang paglilipat ng kapangyarihan sa susunod na administrasyon mula sa isasagawang inagurasyon ni VP-elect Sara Duterte-Carpio sa Davao City sa June 19, samantalang June 30 naman gaganapin ang kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon pa kay Brig. Gen. Roderick Augustus Alba, hepe ng PNP-Public Information Office, handa nang tumulong ang PNP’s Police Security and Protection Group sa Presidential Security Group (PSG) na magbantay sa magkahiwalay na inagurasyon.

“There was already coordination with the PSG on the deployment. The number of security personnel is kept confidential due to security purposes,” ani Chief PNP-PIO Brig. Gen. Alba.

(Edmund Engo | La Verdad Correspondent)

Tags: ,