PNP detention facilities sa bansa, nagsisikip na ayon sa Human Rights Affairs Office

by Radyo La Verdad | February 5, 2016 (Friday) | 1166

PNP-HRAO-Director-PCSupt.-Dennis-Siervo
Kinumpirma ng PNP Human Rights Affairs Office na siksikan na ang ilan sa PNP Custodial Facility.

Ayon kay PNP HRAO Director P/CSupt. Dennis Siervo, sa 1167 na kabuoang bilang ng PNP Custodial Facilities sa buong bansa 85 dito ang congested.

Ang pinaka-congested ay ang PRO 4-A dahil 33 sa 142 detention faciltiies ay sisiksikan na ang mga bilanggo.

Nangunguna sa Region IV A ang Cainta Police Station na may 1857% rate of congestion o nasa 137 na detainees ang nagsisiksikan sa dapat ay 7 lamang ang kapasidad.

Pangalawa sa buong bansa ang NCRPO na 14 sa 70 custodial facilities ang siksikan

Pinakamataas sa NCR ang Las Piñas na may 610% rate of congestion dahil nasa 71 na ang nakakulong sa pasilidad na 10 lamang ang kapasidad.

Pangatlo naman sa buong bansa ang PRO3 na 16 sa 154 na pasilidad ang siksikan

Ang Guiguinto Bulacan naman ang may pinakamataas congestion rate sa region 3 na nasa 520%, umabot sa 52 ang nakakulong sa selda na para sa 10 tao lamang.

Sinabi ni Siervo na nasa 4.7 square meter dapat ang espasyo para sa isang detainee base sa United Nation standard.

Sinabi pa ni Siervo na nasa 1980 na ang bilang ng detainees ng PNP sa buong bansa hanggang noong Dec. 2015.

At umaabot aniya sa 106 milyon pesos ang nagagastos ng PNP sa pagkain ng mga detainee na kinukuha rin sa kanilang operating expenses.

Idinagdag pa ng heneral na lomobo ang bilang ng mga detainees simula nang maging aktibo ang PNP sa Anti- Criminality Campaign.

Kaya naman panawagan ng PNP sa DOJ at sa korte, kung maaari ay pabilisin ang pagpo- proseso sa mga commitment order ng isang detainee na nasa kustodiya ng PNP.

Ito’y upang maiwasan ang siksikan ng mga detainees sa ibat- ibang mga istasyon ng pulis.

Ayon Siervo, 36 na oras lang dapat na manatili sa kanila ang isang detainee matapos na mahuli sa isang krimen.

Subalit ang nangyayari ay nagtatagal ang mga ito dahil sa mabagal na pagproseso sa commitment order.

(Lea Ylagan/UNTV News)

Tags: ,