PNP Crisis Management Committee, tututukan ang sitwasyon sa Marawi City

by Radyo La Verdad | May 25, 2017 (Thursday) | 1370


Pinakikilos na ng PNP ang Crisis Management Committee nito mula sa national at regional headquarters upang patuloy na i-monitor ang mga kaganapan sa Marawi City.

Kasunod ito ng pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Martial Law sa buong rehiyon ng Mindanao.

Bukod sa monitoring, inatasan rin ang Crisis Management Committee na magbigay ng strategic directions sa mga pulis na nakadeploy sa ground.

Nananatili namang naka-full alert status ang PNP upang mahigpit na bantayan ang mga matataong lugar sa buong bansa.

Samantala nagdagdag na rin ang AFP ng kanilang mga tauhan sa iba’t-ibang lugar sa mindanao upang mapigilan ang iba pang posibleng banta ng terrorismo.

Ayon kay AFP Public Affairs Chief Edgar Arevalo, magpapatupad ang militar ng mas mahigpit na seguridad sa mga checkpoint gayundin ang pagpapalakas pa ng kanilang pwersa.

Sinisikap na ng AFP na masugpo agad ang Maute Group sa Marawi City, upang maibalik sa normal ang sitwasyon ng pamumuhay ng halos dalawang daan libong residente sa lugar.

Nakiusap naman sa publiko ang Department of National Defense na iwasang ikalat ang mga maling impormasyon sa sitwasyon sa Marawi.

Sa halip ay agad na makipag-ugnayan sa mga otoridad kung may anumang banta ng terrorismo sa kanilang mga lugar.

(Joan Nano)

Tags: , ,