PNP-CIDG, naghain na ng apela sa dismissal ng kaso nina Kerwin Espinosa

by Radyo La Verdad | March 14, 2018 (Wednesday) | 4233

Hindi pa tuluyang lusot sa kasong illegal drug trading ang self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa at ang umano’y big-time drug lord na si Peter Lim alyas Jaguar pati ang umano’y mga naging kasabwat nila.

Kahit pa dinismiss ng DOJ ang kaso, otomatiko itong rerepasuhin ng opisina ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre.

Kayat isang bagong panel ng mga prosecutor ang binuo ng kalihim upang tingnan muli ang mga ebidensiya. Pangungunahan ito ni Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera.

Disyembre pa na-dismiss ang kaso pero nitong Lunes lamang ito nang naisapubliko.

Ayon sa hepe ng PNP-CIDG, hiniling na nila sa DOJ na baliktarin ang unang resolusyon sa kaso.

Pero batay sa resolusyon ng DOJ, napilitan ang mga piskal na i-dismiss ang kaso dahil walang isinumiteng ebidensiya ang PNP, tulad ng kung gaano karami at anong klase ng droga ang saklaw ng naging transaksyon nina Lim at Espinosa.

Hindi rin anila katiwa-tiwala ang nag-iisang testigo ng PNP na si Marcelo Adorco dahil pabago-bago ang mga sinasabi nito.

Hindi rin anila uubra ang katwiran ng PNP na kasuhan sina Espinosa ng pagsasabwatan upang magbenta ng iligal na droga gaya ng ikinaso kay Senator Leila de Lima dahil ayon mismo sa kanilang testigo, nagkaroon ng transaksyon sina Lim at Espinosa, subalit bigo ang pulisya na mapatunayan ito.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,