Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagpulong si PNP Chief Ronald Dela Rosa at Commission on Human Rights Chairperson Chito Gascon upang pag-usapan ang mga umano’y paglabag sa karapatang pantao na nagagawa ng mga pulis.
Humiling ang CHR ng kopya sa PNP ng lahat ng mga case folder ng mga taong napatay sa kampanya ng pamahalaan kontra droga. Susuriin ang mga ito ng komisyon upang malaman kung mayroong nagawang paglabag ang mga pulis sa karapatang pantao sa kanilang mga operasyon.
Mayroong mahigit isang libong kaso ng human rights violation sa CHR subalit nasa walong daan pa lamang ang kanilang naiimbistigahan.
Inamin ng CHR na malaking hamon para sa kanila ang dagdag na mga kasong iimbistigahan lalo na’t kulang sila ng mga tauhan.
Plano ng PNP na magsagawa ng buwanang pagpupulong kasama ang CHR hindi lamang upang imbestigahan ang mga pagpatay kundi upang maparusahan ang mga tiwaling pulis at opisyal.
(Mon Jocson / UNTV Correspondent)
Tags: Anti-drug war, CHR, PNP