METRO MANILA – Nagbigay ng pahayag si Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Guillermo Eleazar matapos mahatulang Guilty ang dating Police Sergeant na si Jonel Nuezca na pumatay sa mag-inang Frank at Sonia Gregorio sa Paniqui, Tarlac.
“Nauunawaan namin ang pakiramdam ng pamilya Gregorio na ang parusang iginawad ng hukuman sa kanya ay hindi sapat sa bayolenteng pagkawala ng buhay ng kanilang dalawang kaanak. Ngunit naipakita dito na umiiral ang hustisya sa ating bansa at kailanman ay hindi kinukunsinti ng inyong Philippine National Police ang mga ganitong uri ng pulis.” ani PNP Chief Police Gen. Guillermo Eleazar.
Nagpapatuloy rin ngayon ang paglilitis sa kasong isasampa sa isa pang dating pulis na si Hensie Zinampan matapos na pumatay rin ng isang ginang sa Quezon City noong Hunyo.
Tiniyak naman ng opisyal na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng naging biktima nito na si Lilybeth Valdez katulad ng hustisyang naibigay sa pamilyang Gregorio.
Dagdag pa aniya, magsilbi sanang aral sa lahat lalo na sa mga nasa hanay ng pulisya na bilang isang pulis ay hindi dapat na maging kaaway ng mga Pilipino at marapat na maging tagapagtanggol.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Gen. Eleazar sampu ng mga kasamahan sa Philippine National Police sa Pamilyang Gregorio at Pamilya Valdez.
(Fe Gayapa | La Verdad Correspondent)