MANILA, Philippines – Tila nasurpresa ang buong hanay ng pulisya nang inanunsyo ni Police General Oscar Albayalde ang pagbibitiw bilang PNP Chief sa flag raising ceremony sa Camp Crame Kahapon (October 14).
Sa kanyang talumpati, inihayag nitong nakausap niya si Interior Secretary Eduardo Año nitong weekend kaugnay ng pagkakadawit niya sa isyu ng ninja cops at recycling ng iligal na droga.
Matapos nito ay humantong siya sa pagpapasyang bumitiw sa pwesto at mag-avail na lang ng tinatawag na Non Duty Status. Isa rin aniya itong pagkakataon upang bigyang daan ang appointment ng kanyang kapalit.
Samantala, si PNP Deputy Chief for Administration Police Lt. Gen. Archie Gamboa ang magiging Officer in Charge (OIC) habang wala pang napipili ang pangulo na susunod na pinuno ng pambansang pulisya.
Nakatakdang magretiro si Albayalde sa darating sa November 8 pagsapit ng kaniyang ika-56 na kaarawan. Ayon naman sa malakanyang, hindi pinilit na bumaba sa puwesto si Albayalde.
Naniniwala si Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo na napuno na ang PNP Chief kaya ito nagbitiw sa pwesto. Ipnahayag din ni Panelo na wala na wala siyang nalalaman na may ganitong instruction si Pangulong Rodrigo Duterte kay Albayalde.
Pero sabi ni DILG Secretary Eduardo Año, inindorso niya Kahapon (October 14) sa pangulo ang pagbibitiw ni Albayalde at tinanggap naman ito. Pinuri din niya at pinasalamatan si Albayalde sa serbisyo nito at hakbang na ginawa nito upang huwag nang malubog pa sa kontrobersiya ang pambansang pulisya.
(April Cenedoza | UNTV News)
Tags: PNP Chief