PNP Chief Gamboa at 5 iba pa, patuloy na nagpapagaling sa St. Lukes; Police Major Generals Magaway at Ramos nasa critical na kondisyon

by Erika Endraca | March 6, 2020 (Friday) | 20302
Photo Courtesy: Sen. Ronald Bato Dela Rosa

METRO MANILA – Maayos na ang kondisyon ni PNP Chief PGen. Archie Gamboa, PNP Spokesperson PBGen. Bernard Banac at 4 na iba pa na naka confine sa St. Lukes medical center sa Taguig.

Kahapon (March 5)  isang video message pa ni Gamboa ang inilabas ng PNP kung saan sinabi nito na handa na siyang bumalik uli sa trabaho.

Ayon naman kay  Directorate for Police Community Relations (DPCR) Director PMGen. Benigno Durana Jr., nasa kani kanilang private rooms na ang 6 na pulis.

Dagdag pa ni Durana, nais puntahan ni Chief PNP ang kanyang mga mistah na sina Directorate for Intelligence (DI) Chief PMGen. Mariel Magaway sa Asian hospital at Directorate for Comptrollership Chief PMGen. Jovic Ramos na nasa ICU sa Unihealth Hospital & Medical Center sa Biñan Laguna.

“Para matingnan personally ang kanilang kalagayan ngunit he was dissuaded by the doctors kasi he needs to rest also for the next 48 hours under observation pa rin po sila although all medical procedures, examination and test ay napagdaanan na po nila” ani DPCR Director, PMGen. Benigno Durana Jr.

Sinabi pa ni Durana na itinalaga na rin ni Gen. Gamboa bilang OIC ng DI si PBGen. Jesus Cambay Jr., kapalit ni Gen. Magaway at si PBGen. Ronnie Olay naman sa Directorate for Comptrollership kapalit ni Gen. Ramos.

“He is in high spirit but again ang concern nya po ay ang total recovery ng pito nyang kasamahan “ ani ani DPCR Director, PMGen. Benigno Durana Jr.

Nag iimbestiga na rin aniya ang Special Investigation Task Group (SITG) Bel 429 na pinamumunuan ni Deputy Chief For Operations PLTGen. Guillermo Eleazar hinggil sa pagbagsak ng PNP helicopter.

Suspendido naman sa ngayon ang paglipad ang 6 pang helicopter ng PNP matapos ang naturang insidente.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: