Nanindigan si Philippine National Police Chief Police General Dionardo Carlos na lehitimo ang engkwentro na naganap sa pagitan ng mga pulis at armadong grupo sa Pilar, Abra noong Marso, ito’y matapos maharap sa kasong murder ang mga pulis na sangkot checkpoint operations matapos ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation.
Ayon kay Gen. Carlos, base sa security footage, binalewala ng convoy ni Pilar Vice Mayor Jaja Josefina Somera Disono ang checkpoint na nagresulta sa barilan na ikinamatay ng isa sa tauhan ng bise alkalde.
Sinagasaan din aniya ng mga ito ang isa sa mga pulis na nagmamando ng checkpoint.
Paliwanag pa ni CPNP, may intelligence report kasi na natanggap si Cordillera regional director Police Brigadier General Ronald Lee na may armadong grupo sa lugar kaya alertado sa checkpoint ang mga pulis.
Bagamat idinepensa ang mga tauhan, sinabi ni Carlos na ginagalang nya ang imbestigasyon ng NBI dahil wala umano silang itinatago.
Lea Ylagan | UNTV News