MANILA, Philippines – Pinilit pa ni dating PNP-CIDG Chief Benjamin Magalong si PDEA Chief Aaron Aquino na sabihin na ang lahat ng kanyang nalalaman kung bakit nakabalik pa sa serbisyo ang mga pulis na sangkot sa 2013 Agaw Bato Scheme.
Sa unang pagtatanong kasi ng mga Senador ayaw pa sabihin ni Aquino kung bakit hindi nya pinatupad ang Dismissal Order ng mga pulis noong sya pa ang Regional Director ng Region 3 noong 2016.
Ayon kay Magalong nakausap nila si Pangulong Duterte patungkol sa isyung iyon. Pero sagot ni PNP Gen. Albayalde tinanong nya lang si Gen Aquino kung ano na ang status sa kaso ng kanyang mga dating tauhan.
Sa pagdinig sinabi ni Magalong na malakas ang ebidensya nila noon laban sa sa 14 na Intel Officer ng Pampanga Police kung saan sa 200 kilo umano ng ilegal na droga na kanilang nakumpiska nila sa isang operasyon sa Mexico Pampanga noong 2013, 39 kilo lamang ang kanilang idineklara.
Kinuha umano ng mga pulis ang natitirang 160 kilos. Pinatakas rin umano nila ang suspek na si Jonson Lee na isa palang Korean national at hindi Chinese national kapalit ng P50-M.
Hindi ipinaalam ng mga pulis sa kanilang Regional Director noon na si PNP Gen. Albayalde ang kanilang gagawin operasyon, pero dahil sa command responsibility na-relieve sa serbisyo si Albayalde noon.
Nov. 2014 nang lumabas ang desisyon sa kaso ng mga ito kung saan inirerekumenda na tanggalin na sila ng tuluyan sa serbisyo. Lumipas pa ang dalawang taon saka lang natanggap ng mga akusado ang naturang desisyon noong 2016. At noong Oct. 2017 naibaba na ang sintensya ng mga ito na one rank demotion at lahat sila ay nakabalik na ngayon sa serbisyo at ang ilan ay na promote na rin. Ang susunod na pagdinig ay nakatakda bukas Huwebes(October 3).
(Grace Casin | UNTV News)
Tags: PNP